Ang pagtatrabaho sa ibang bansa ay hindi isang birong gawain dahil maliban sa pakikisama sa ibang lahi ay kailangan mo ding tibayan ang iyong loob at labanan ang lungkot. Nagiging mas mahirap pa ang bagay na ito lalo na kung ikaw ay isang magulang at may anak na naiwan sa Pilipinas.

Ngunit dahil sa hindi matatawarang pagmamahal at sakripisyo na kayang ibigay ng mga magulang lalo na ng isang ina para sa kanilang mga anak ay hindi sila nag-aatubiling sumuong sa panganib at hamon na dala ng pagiging isang OFW. Hindi nila alintana ang hirap at lungkot na kaakibat ng kanilang pag-alis dahil mas nananaig sa kanila ang pangarap na mabigyan ng maayos na buhay ang kanilang mga anak at balang araw ay makakaahon din sila sa hirap ng buhay.


Marami na tayong narinig na kwentong OFW at ang mga ito ay nagbibigay ng ngiti sa ating mga labi at luha sa ating mga mata. Kagaya na lamang ng isang OFW na naging viral sa social media dahil sa paraang pinili niya para ma-sorpresa ang kanyang mga anak.

Hindi na pinangalanan ang babaeng OFW na nagkunyaring service crew ng isang fastfood chain at nagsuot pa ng uniporme para hindi siya mahalata ng kanyang mga anak.

Makikita sa isang video na ibinahagi sa Facebook na nakasuot din ito ng mask para matakpan ang kanyang mukha. Habang abala ang babae sa pag-aayos ng mesa at pag-aasikaso ng mga order ay walang kaalam-alam ang dalawang bata na nanay pala nila ang babaeng crew.


Matapos mailapag sa mesa ang mga pagkain ay tumayo sa gilid ng mga bata ang babae at tinanggal nito ang takip sa mukha. Nagulat ang mga bata ng makitang nasa tabi na nila ang kanilang ina na matagal na nilang inaantay umuwi mula sa ibang bansa. Hindi matatawaran ang pagkakataong iyon kung saan napaiyak ang mga bata sa saya habang niyayakap ng kanilang ina.

Ang ganitong eksena ay madalas nating makita sa airport kung saan nag-aabang ang pamilya sa pagbabalik ng isang OFW ngunit sa panahon ngayon ay marami ng paraan ang naiisip ng karamihan kung paano nila masosorpresa ang kanilang mahal sa buhay.

 

Got a story for us? Need to tell us about something amazing you've seen or done? Want us to investigate something? Get in touch!
Email receive.latestnews@gmail.com, and you could even earn money for your stories or tips.